Kanina habang nakasakay sa taksi eh bigla ba namang napatugtog sa radyo ang Tagalog na bersiyon ng kantang Umbrella ni Rihanna. Aba sobra na to! Nung mga nakaraang linggo naman eh Tagalog na bersiyon ng Low ni Flo Rida naman ang narinig ko. Minsan eh talagang maiisip mo na wala na talagang originality ang mga OPM sa ngayon. Yung mismong O sa OPM eh nawawala na.
Kasi halos puro remake na rin ang uso ngayon. Di gaya dati na puro orig ang banat ng mga singers. Naaalala ko pa ang mga ballad ni Martin at Gary. Yung mga awitin ng bandang Neocolours, After Image at Introvoyz. Eh sa ngayon pati banda puro remake ang laman ng album.
Si Regine ata ang nagpasimula ng trend na ito eh. Siya yung original remake queen. Magrerelease ng album puro remake ang laman. Tapos lahat ng mga bagong babaeng singer puro remake na ang ginagawa. Haynako, kakasawa na.
At kung hindi man remake ng ibang Tagalog o foreign song, lantarang i-ta-Tagalog na lang ang isang sikat na kanta.
Nawa’y makabangon pa ang industriya ng musika dito sa Pilipinas. Itigil na ang sobrang remake! Nawa’y maibalik na ang letrang O sa OPM!